it's not mother's day yet but i just want to share with you the letter i gave my muder when she attended a retreat in tagaytay city just recently.
i'm not even sure if there's anyone out there reading my blog but just the same, i still wanna share it...
forgive me if the letter was written in Tagalog because it's the only language i could really express the pure emotions i'm keeping in my heart ♥
♣ ♣ ♣
my everdearest mamu
April 1, 2011
Dear ‘Nay,
Sa totoo lang po, di ko alam kung paano ko sisimulan toh. Di kasi ako sanay na nagpapakita ng nararamdaman ko lalo na sa inyo. Pero susubukan ko sabihin ‘yung mga gusto ko talagang sabihin sa inyo.
Una sa lahat, hindi nyo lang alam kung paano ako nagpapasalamat sa Diyos na kayo ng tatay ko ang naging mga magulang ko. Sobra-sobra ang pasasalamat ko sa pag-aalaga, sakripisyo at pagmamahal nyo sa amin. Hindi tayo mayaman pero kahit kelan, hindi nyo naiparamdam sa amin na may kulang sa’min para maghangad kami ng mga bagay na higit pa sa kailangan namin. Tinuruan nyo kaming maging kuntento sa mga bagay na meron kami. Kayo ‘yung nagturo sa amin kung paano rumespeto sa kapwa namin. Dinisiplina nyo kami sa paraang alam nyo na hindi namin mararamdaman na kailangan namin magrebelde. Naipamulat nyo sa amin na ginagawa nyo lang yun dahil mahal nyo kami ng ate ko at para lang ‘yun sa ikabubuti namin. Nakita namin ang lahat ng paghihirap at sakrispisyo nyo ng tatay ko para lang mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Kaya siguro dahil din dun, kaya natutunan namin ng ate ko na pahalagahan ang lahat ng ‘yun. Napakaswerte namin ng ate ko kasi kayo ang naging magulang namin.
Nung panahon na maysakit ang tatay, nakita ko ‘yung tatag nyo. Alam ko may mga panahon na pinanghihinaan kayo ng loob pero kahit kelan hindi kayo sumuko. Maging sarili nyo isinasakripisyo nyo masiguro lang na patuloy na matustusan ang pangangailangan ng tatay ko. Binigay nyo lahat di lang sa amin kundi maging sa tatay ko. Kahit pagud na pagod na kayo, tuloy pa rin kayo sa pag-aalaga sa amin. At alam ko naman na sobrang na-appreciate yun ng tatay ko. Sa panahong mahina ang haligi ng tahanan natin, ikaw yung naging sandigan namin.
Ngayon, wala na ang tatay. Hanga ako sa tapang na ipinakita nyo. Nawalan kami ng ama, pero ikaw, nawalan ka ng asawa. At kahit masakit sa’yo, nandun ka sa amin ng ate ko para aluin kami. Ikaw ang nagsasabi sa amin na tanggapin na namin na wala na ang tatay namin. Kaya naman sobra ang naging takot ko nung nakita ko kayong bumigay nung ihahatid na natin siya sa simbahan. Nun ko pa lang na-realize kung gaano kabigat sa inyo ang lahat. Na dapat, kami ng ate ko ang umaalalay sa inyo. Na dapat, mas maging matatag kami para sa inyo.
Nitong nagdaang mga araw, lalo na nung nawala na ang tatay, hindi naging madali ang lahat para sa atin. Marami tayong nakakaharap na problema na masyadong mabigat dalhin sa kalooban. Pero ‘Nay, pangako namin ng ate ko, gagawin namin ang lahat para protektahan kayo. Sa mga taong naghuhusga sa inyo, pabayaan nyo lang sila. Sana makinig kayo minsan sa amin ng ate ko pag sinabi namin na wag na lang kayo kumibo kasi tulad nyo, hangad lang din namin ang kabutihan nyo. Hinuhusgahan nila kayo kasi hindi nila alam kung gaano kabuti ang puso nyo. At kahit ano pa ang sabihin o isipin sa inyo ng ibang tao, tandaan nyo na mananatili kami ng ate ko sa tabi nyo. Wala kayong kailangan patunayan sa kanila. Sa bandang huli naman, hindi sila ang makakasama nyo kundi kami pa rin ng ate ko. Basta tandaan nyo lagi na mas kaaya-aya sa paningin ng Panginoon ang nagpapakumbaba. Hwag nyo na habulin na patunayan sa kanila kung anong klaseng tao kayo, dahil yung alam namin kung gaano kayo kabuting ina, anak at asawa, sapat na sapat na ‘yun.
Hindi man namin nasasabi ng ate ko, pero sana alam nyo na mahal na mahal namin kayo ng tatay ko. Hindi nyo lang alam kung gaano kami nasasaktan kapag alam namin na nasasaktan kayo at kung gaano ang takot na nararamdaman namin ng ate ko kung pati kayo mawawala sa amin. Mahal na mahal namin kayo. Kahit minsan hindi tayo nagkakasundo pero sana wag nyo kakalimutan kung gaano namin kayo kamahal ng ate ko.
Kayong dalawa ng tatay ko ang inspirasyon namin kung bakit patuloy kami nagsisikap na mas maging mabuting tao. Maraming maraming salamat po sa lahat-lahat. Hindi kayo perpektong tao pero kayo ang perpektong magulang para sa amin.
Nagmamahal,
Lot-Lot
no one can love us the way our mothers love us. let us not waste every opportunity that we have right now to show how much they mean to us. every moment counts. make everyday a special day for them. they don't stop to be our mother even if we already have our own child or even grandchildren. it's a lifetime duty of love and care... the least we could do is to let them know how much we value and appreciate all the things they've done for us. everyday should always be a mother's day!
again and again, i love you 'nay!
mahal na mahal na mahal kita.
♥ ♥ ♥
No comments:
Post a Comment